Pumunta sa nilalaman

Dekada 1980

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
ImageKatupusan ng Digmaang MalamigPagbagsak ng Pader ng Berlin
Mula kaliwa, paikot: Inulunsad ang unang Space Shuttle (Sasakyang Pangkalawakan), Columbia noong 1981; Nagpagaan ng tensyon sa pagitan ng dalawang superpower na sina pangulong Ronald Reagan ng Estados Unidos at pinunong Mikhail Gorbachev ng Unyong Sobyet, na humantong sa pagtatapos ng Digmaang Malamig; Ang pagbagsak ng Pader ng Berlin noong 1989 ay itinuturing bilang isa sa mga pinakamakabuluhang kaganapan ng dekada 1980; Noong 1981, inilabas ang IBM Personal Computer; Noong 1985, ginanap ang konsyertong Live Aid upang pondohan ang mga pagsisikap na makapagbigay ng ayuda sa taggutom sa Etiyopiya sa panahon ng pamumuno ni Mengistu Haile Mariam; Nagpatuloy ang polusyon at mga suliraning pang-ekolohiya nang mapuno ng radyaktibong labi ang Unyong Sobyet at iba pang bahagi ng mundo mula sa sakuna sa Chernobyl noong 1986, at noong 1984, nang mamatay ang libu-libong tao sa Bhopal dahil sa tagas ng gas mula sa isang planta ng pestisidyo; Humantong ang Digmaan ng Iran at Iraq sa higit isang milyong namatay at US$1 trilyong gastusin, habang ang isa pang digmaan sa pagitan ng mga Sobyet at Apgano ay nagresulta sa mahigit dalawang milyong nasawi.
Milenyo: ika-2 milenyo
Dantaon:
Dekada:
Taon:

Ang dekada 1980 (binibigkas na "labinsiyam na walumpu", pinaikli bilang d. 1980 o dekada '80 na kadalasang binibigkas bilang dekada Otsenta) ay ang dekadang nagsimula noong Enero 1, 1980 at nagtapos noong Disyembre 31, 1989.

Ang panahong ito ay nasaksihan ang paghahari ng konserbatismo at ekonomiyang nakabatay sa malayang pamilihan, gayundin ang mga pagbabagong sosyo-ekonomiko bunga ng pag-unlad sa teknolohiya at pandaigdigang paglayo mula sa planadong ekonomiya tungo sa kapitalismong laissez-faire, kung ihahambing sa dekada 1970. Habang lumalaganap ang deregulasyon at dekonstruksyon sa ekonomiya sa mga mauunlad na bansa, maraming multinasyonal na korporasyong kaugnay ng industriya ng pagmamanupaktura ang inilipat sa Taylandiya, Mehiko, Timog Korea, Taiwan, at Tsina. Nakaranas ng malawakang paglago ng ekonomiya ang Hapon at Kanlurang Alemanya sa panahong ito. Sa dekada ring ito kinilala ang pagsiklab ng epidemya ng AIDS, na tinatayang nakapatay na ng humigit-kumulang 40.4 milyong katao (hanggang taong 2022).[1] Sa panahong ito rin nagsimulang lumaganap sa pamayanang siyentipiko at pampulitika ang teorya ng pag-init ng daigdig.

Ang Reyno Unido at Estados Unidos ay lalong lumapit sa mga patakarang pang-ekonomiyang nakabatay sa banda ng panustos, na nagsimula ng uso tungo sa pandaigdigang kawalang-tatag sa kalakalan sa pagitan ng mga bansa. Ang kalakarang ito ay lalo pang tumindi sa sumunod na dekada nang bumagsak ang USSR, na nagbigay-lakas sa mga patakarang pang-ekonomiyang maka-kanan.

Ang huling dekada ng Digmaang Malamig ay nagbukas sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Unyong Sobyet na halos walang patid. Lalong tumindi ang tensyon sa pagitan ng dalawang kapangyarihang pandaigdig nang talikuran ni Pangulong Reagan ang patakaran ng détente (pagpapaluwag ng tensyon) at umangkin ng bagong patakarang mas agresibo laban sa Unyong Sobyet. Muling naging lubhang mapanganib ang posibilidad ng digmaang nukleyar sa unang pagkakataon mula noong Krisis ng mga Misayl sa Cuba noong 1962, ngunit sa ikalawang kalahati ng dekada ay nagkaroon ng kapansin-pansing pagluluwag ng tensyon sa pagitan ng mga superpower at kalauna’y humantong sa ganap na pagbagsak ng komunismong Sobyet.

Nahaharap sa mga hamong pang-ekonomiya at panlipunan ang mga bansang umuunlad sa iba’t ibang panig ng daigdig dahil sa sunud-sunod na krisis sa utang noong dekada 1980. Dahil dito, napilitan ang marami sa mga bansang ito na humingi ng tulong pinansyal mula sa Pandaigdigang Pondong Pananalapi (IMF) at Pandaigdigang Bangko. Nakaranas ng malawakang taggutom ang Etiyopiya sa kalagitnaan ng dekada 1980 sa ilalim ng tiwaling pamumuno ni Mengistu Haile Mariam, dahilan upang umasa ang bansa sa tulong mula sa ibang bansa upang mapakain ang kanilang mamamayan, at nagbunsod ito ng pandaigdigang mga hakbang upang lumikom ng pondo para sa mga Etiyopiyano, gaya ng konsyertong Live Aid noong 1985.

Naganap din ang malalaking kilos-protesta at karahasang sibil, kabilang ang Digmaang Sibil sa Angola, Digmaang Sibil sa Etiyopiya, sigalot sa Moro sa Mindanao, Pilipinas, Digmaang Sibil sa El Salvador, Digmaang Palumpong sa Uganda, insureksiyon sa Laos, Digmaan ng Iran at Iraq, Digmaang Sobyet–Apghan, Digmaan sa Lebanon noong 1982, Digmaan sa Falklands, Ikalawang Digmaang Sibil sa Sudan, insureksiyon ng Lord's Resistance Army (Armada ng Paglaban ng Panginoon) at Unang Digmaan sa Nagorno-Karabakh. Naging makapangyarihang puwersang pampolitika ang Islamismo sa dekadang ito, at maraming grupong jihadista, kabilang ang Al Qaeda, ang naitatag.

Dalawang panunumpang pampanguluhan na
naganap noong panahon ng Rebolusyong EDSA ng 1986
Panunumpa ni Corazon Aquino sa Club Filipino, San Juan, Kalakhang Maynila
Panunumpa ni Corazon Aquino
sa Club Filipino,
San Juan, Kalakhang Maynila
Panunumpa ni Ferdinand Marcos sa Palasyo ng Malakanyang, Maynila
Panunumpa ni Ferdinand Marcos
sa Palasyo ng Malakanyang, Maynila

Sa Pilipinas, matapos ang halos dalawampung taon ng diktadura, bumaba sa pagkapangulo si Ferdinand Marcos at pinalitan ni Corazon Aquino sa pamamagitan ng Rebolusyong Lakas ng Bayan o People Power Revolution na naganap mula ika-22 hanggang ika-25 ng Pebrero 1986. Itinuturing ito ng ilan bilang isang mapayapang rebolusyon, sa kabila ng katotohanang naglabas ng kautusan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na buwagin ang mga nagtipong tao sa EDSA (ang pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila).

Sa 1986 din, muling lumitaw ang nasyonalismo sa Silangang Blokeng pampulitika, at ang pagnanais para sa demokrasya sa mga estadong sosyalista, na sinabayan ng resesyon sa ekonomiya, ay humantong sa mga reporma ni Mikhail Gorbachev na tinawag na glasnost (pagkakabukas) at perestroika (pagbabagong-anyo). Bunga nito, nabawasan ang kapangyarihan ng Partido Komunista, naging legal ang pagtutol o pagkontra, at pinayagan ang ilang limitadong anyo ng kapitalismo tulad ng mga kasunduan sa negosyo (joint ventures) kasama ang mga kompanya mula sa mga kapitalistang bansa. Matapos ang tensyon sa halos buong dekada, pagsapit ng 1988 ay malinaw na bumuti ang ugnayan sa pagitan ng mga bansang komunista at kapitalista,[2] at unti-unti na ring nawalan ng kagustuhan ang Unyong Sobyet na ipagtanggol ang mga pamahalaan nito sa mga bansang satelayt.

Image
Mga nagpoprotesta sa Liwasang Tiananmen, Tsiina noong 1989

Noong 1989, nagganap ang pagpapatalsik at pagtatangkang mapatalsik sa ilang pamahalaang pinamumunuan ng mga komunista—kabilang ang sa Hungarya, ang mga protesta sa Liwasang Tiananmen noong 1989 sa Tsina, ang Rebolusyong Pelus (Velvet Revolution) sa Czechoslovakia, ang rehimeng Silangang Aleman ni Erich Honecker, ang pamahalaang sinusuportahan ng Sobyet sa Polonya, at ang marahas na pagpapatalsik sa rehimeng Nicolae Ceaușescu sa Romanya. Ang paggiba sa 155 km na Pader ng Berlin sa pagtatapos ng dekada ay nagbigay‑tanda ng isang malawakang pagyanig sa heopolitika. Nagtapos ang Digmaang Malamig noong unang bahagi ng dekada 1990 sa matagumpay na Muling Pag‑iisa ng Alemanya at sa pagbagsak ng USSR matapos ang Kudeta noong Agosto 1991.

Matapos ang Rebolusyong Lakas ng Bayan noong 1986 na nagpatalsik kay Ferdinand Marcos, hinarap ng bagong pamahalaan ni Pangulong Corazon Aquino ang sunod-sunod na tangkang kudeta mula sa ilang grupong militar na hindi kuntento sa mga reporma. Kabilang dito ang tangkang kudeta noong Agosto 1987 sa pangunguna ni Col. Gregorio “Gringo” Honasan,[3] kung saan sinalakay ang palasyo ng Malacañang at ilang kampo militar, na nauwi sa pagkasawi ng mga sibilyan. Ang pinakamapanganib na kudeta ay naganap noong Disyembre 1989, nang humigit-kumulang 3,000[4] sundalo ang nagtangkang pabagsakin ang pamahalaan. Kinailangan ni Aquino ang tulong ng mga pwersang Amerikano upang mapigilan ang pag-aalsa.[5] Humantong ito sa daan-daang nasawi at nasugatan.[6]

Image
Unang logo ng MTV na unang lumabas noong 1981

Noong Abril 12, 1981, inilunsad ang kauna-unahang Space Shuttle (Sasakyang Pangkalawan) na Columbia ng NASA, isang makasaysayang tagumpay sa larangan ng eksplorasyong pangkalawakan. Sa parehong taon, inilabas din ang IBM Personal Computer, na naging mahalagang hakbang sa pag-usbong ng teknolohiya at personal na kompyuting. Sa paglipas ng panahon, nangyari ang trahedya noong Enero 28, 1986 nang sumabog ang Space Shuttle Challenger 73 segundo matapos itong ilunsad, na ikinasawi ng lahat ng sakay nitong tripulante. Ito ang kauna-unahang sakuna na nagresulta sa pagkawasak ng isang Space Shuttle ng NASA, at ang sanhi ng aksidente ay isang depektibong O-ring. Makalipas ang ilang buwan, noong Abril 26, 1986, naganap naman ang sakunang Chernobyl, isang malawakang pagkatunaw ng nukleyar sa Ukranyang SSR, Unyong Sobyet, na nagpalaganap ng malaking dami ng radyaktibong materyal sa buong Europa. Namatay ang 47 katao, marami pa ang nasawi kalaunan dahil sa kanser na dulot ng radyasyon, at humigit-kumulang 300,000 katao ang napaalis sa kanilang mga tirahan.

Sa larangan ng musika sa Estados Unidos, inilunsad ang MTV at nagsimulang magkaroon ng malaking epekto ang mga bidyong musik sa industriya ng rekord. Ang mga alagad ng sining ng pop at banda tulad nina Duran Duran, Michael Jackson, George Michael, Whitney Houston, Prince, Cyndi Lauper, at Madonna ay naging dalubhasa sa pormat na ito at tumulong na gawing isang kumikitang negosyo ang bagong produkto. Sa simula ng dekada, bumagsak ang kasikatan ng new wave kasabay ng pag-usbong ng New Romantic, pati na rin ng mga bagong genre o uri tulad ng new pop at synthpop na binuo ng maraming artist mula sa Britanya at Amerika, at naging popular na mga kaganapan sa buong dekada lalo na sa mga unang bahagi at kalagitnaan ng dekada 1980. Ang musika ay naging mas pira-piraso at naghalo-halo sa mga subgenre tulad ng house, goth, at rap metal.[7] Kabilang sa mga kilalang bidyong musika ang mga gawa ni Peter Gabriel.

Mga ilang kilalang mang-aawit ng OPM
na nagsimula at sumikat noong dekada '80
Si Jett Pangan, ang bokalista ng The Dawn
Si Jett Pangan,
ang bokalista ng
The Dawn
Si Martin Nievera, ang tinaguriang Hari ng Konsiyerto ng Pilipinas
Si Martin Nievera,
ang tinaguriang
Hari ng Konsiyerto
ng Pilipinas
Si Sharon Cuneta, ang tinaguriang Megastar
Si Sharon Cuneta,
ang tinaguriang
Megastar
Si Gary Valenciano, ang tinaguriang Pure Energy
Si Gary Valenciano,
ang tinaguriang
Pure Energy

Sa dekada 1980, lumawak ang larangan ng musika sa Pilipinas. Umigting ang Original Pilipino Music (OPM, o Orihinal na Pilipinong Musika), na pinangunahan ng mga artistang umaawit ng balada at pop gaya nina Sharon Cuneta, Martin Nievera, at Gary Valenciano. Nanatiling may impluwensiya ang Manila Sound—isang halo ng disco at funk na may temang Pilipino—sa mga unang taon ng dekada.[8] Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada, sumibol ang new wave at post-punk sa pamamagitan ng mga bandang gaya ng The Dawn[9] at Identity Crisis, na naging patok sa mga estasyong FM. Naging pangunahing midyum ng pamamahagi ng musika ang cassette tape, at sinuportahan ng pamahalaan ang lokal na musika sa pamamagitan ng mga patakarang tulad ng Kautusang Ehekutibo Blg. 255 na nag-aatas ng regular na pagpatugtog ng OPM sa radyo.[10]

Mga artistang bumida sa pelikulang Bagets

Lumitaw rin ang mga unang anyo ng hip hop sa bansa, kabilang ang parody rap (o rap na parodiya) ni Dyords Javier na "Na Onseng Delight" noong 1980.[11] Nagsimulang sumikat ang breakdancing at iba pang aspekto ng hip hop dahil sa impluwensiyang Amerikano. Ang soundtrack (tugtugin sa pelikula) ng Bagets ay naging mahalagang bahagi ng kulturang kabataan noong dekada 1980 sa Pilipinas, na sumasalamin sa damdamin at karanasan ng mga kabataang Pilipino sa pamamagitan ng mga musikang pop at synth.[12] Ang mga kantang gaya ng “Growing Up” ni Gary Valenciano ay nagsilbing himig ng pagdadalaga at pagbibinata para sa maraming kabataan noong panahong iyon.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Global HIV/AIDS Overview". aids.gov (sa wikang Ingles). Nakuha noong 16 Abril 2016.
  2. Lewis, Flora (Mayo 29, 1988). "FOREIGN AFFAIRS; Cold War Recedes". The New York Times (sa wikang Ingles).
  3. Medina, Marielle (2015-08-28). "Did you know: Honasan-led coup try vs Cory Aquino". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-07-12.
  4. Petilla, Danny (2021-12-01). "The 1989 coup attempt: Unsung heroism, unmasked ploys". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-07-12.
  5. Gerstenzang, James (1989-12-03). "U.S. Rejected Plea to Attack Rebels : Philippines: Washington limits its assistance to air cover to help the Aquino government". Los Angeles Times (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-07-12.
  6. Richburg, Keith B. (1989-12-05). "THOUSANDS STILL TRAPPED BY MANILA STREET BATTLE". The Washington Post (sa wikang Ingles). ISSN 0190-8286. Nakuha noong 2025-07-12.
  7. Leopold, Todd (2002-08-22). "'Like, Omigod!' It's the return of the '80s". The New York Times (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-11-04. Nakuha noong 2013-03-22.
  8. Manzano, Michelle (2024-01-03). "Manila Sound: The Groovy Beat of Filipino Pop Music". popzine (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-07-12.
  9. Tomada, Nathalie. "The Dawn's Jett Pangan reflects on almost 40 years of rocking OPM scene". Philstar.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-07-12.
  10. "Executive Order No. 255". lawphil.net. Nakuha noong 2025-07-16.
  11. "Patrol ng Pilipino: Paano nagsimula ang hip-hop sa Pilipinas?". ABS-CBN News. Agosto 14, 2023. Nakuha noong 2025-07-12.
  12. Pareño, Elijah (2025-06-09). "How the 'Bagets' OST Shaped Pinoy Youth Culture in the '80s". rollingstonephilippines.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-07-12.